Isa ang patay habang apat ang sugatan matapos bumangga sa poste ang kanilang sinasakyang kotse sa bayan ng Sta. Barbara, Pangasinan.

Ayon kay Pcapt. Vicente Abrazaldo Jr., Deputy chief of police ng Sta Barbara PNP, napag-alaman na magkakatrabaho ang mga biktima na galing sa isang inuman sa kanilang kaibigan sa San Carlos City.

Aniya, lahat ng mga ito ay nasa impluwensiya ng alak habang bumibiyahe kaya malaki umano ang posibilidad na dahil sa matinding kalasingan ang naging bunsod ng kanilang pagkaka-aksidente.

--Ads--

Salaysay ng naturang opisyal, bago ang insidente ay binabagtas ng sasakyan ng mga biktima ang kakalsadahan ng Brgy. Balingew at ng makarating ang mga ito sa pakurbang bahagi ng kalsada ay nawalan ng kontrol ang driver hanggang sa bumangga na sa konkretong poste

Sa lakas ng impact ay lumusot sa hood ng sasakyan ang biktimang nakilalang si Franklin Narvasa na nasa passenger seat na tumilapon pa sa kalsada at nagtamo ng malalang sugat at pinsala sa kanyang katawan.

Isinugod pa ang mga biktima sa pagamutan ngunit idineklarang DOA si Narvasa.

Habang ang apat na kasamahan nito ay nagtamo rin ng mga injuries sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan.

Pcapt. Vicente Abrazaldo Jr., Deputy chief of police ng Sta Barbara PNP

Kaugnay rito, nagpaalala naman si Abrazaldo sa publiko na maging maingat sa pagmamaneho at huwag ng ipilit kung sila ay nasa impluwensiya ng alak upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.