DAGUPAN CITY- Naitala ang mga naging epekto ng solar power project sa sektor ng agrikultura sa Barangay Salomague Sur, Bugallon, Pangasinan matapos masira ang drainage at sistema ng patubig sa lugar bunsod ng malawakang paghuhukay para sa proyekto.
Dahil sa nasirang daluyan ng tubig, naapektuhan ang patubig sa ilang ektaryang sakahan na naging sanhi ng problema sa produksyon ng mga magsasaka, partikular noong unang taniman.
Ayon sa presidente ng mga irrigators sa Barangay Salomague Sur na si Joey Frias, bagamat kinikilala ang potensyal na benepisyo ng solar power project sa bayan, direktang naapektuhan ang pangunahing kabuhayan ng mga magsasaka dahil sa pagkasira ng drainage system.
Aniya, ang kakulangan sa maayos na patubig ang naging dahilan ng pagkalugi ng ilang magsasaka noong first crop season.
Binanggit din ni Frias na natalakay sa isinagawang public hearing ang isyu sa irigasyon at ang mga hakbang na gagawin ng lokal na pamahalaan at ng mga contractor ng proyekto upang maibalik ang normal na daloy ng patubig.
Batay sa kanyang pagmomonitor sa lugar, may indikasyon na sisimulan na ang pagsasaayos ng drainage system upang tugunan ang problema sa irigasyon.
Sa kasalukuyan, nananatiling apektado ang mga sakahan sa barangay habang hinihintay ang aktuwal na pagsasaayos ng drainage.
Patuloy ang panawagan ng mga magsasaka at ng sektor ng irrigators na agarang maibalik ang sistema ng patubig upang maiwasan ang karagdagang pinsala sa produksyon ng agrikultura sa lugar.










