DAGUPAN CITY- Narinig ang ilang pagsabog sa kabisera ng Qatar na Doha, kasunod ng ulat na nagpakawala ang Iran ng anim na missile patungo sa mga base militar ng Estados Unidos sa bansa.

Ayon sa mga saksi, nakita ang mga bakas ng missile sa himpapawid, kasabay ng kumpirmasyon mula sa sandatahang lakas ng Iran na tinarget nila ang Al-Udeid Air Base sa isang missile attack na nasaksihan mismo mula sa lungsod.

Sa opisyal na pahayag ng pamahalaan ng Iran, inamin nilang ang naturang missile strike ay ganting hakbang sa naging pambobomba ng Amerika sa ilan nilang nuclear facilities kamakailan.

--Ads--

Giit ng Iran, ang bilang ng kanilang missile ay sinadyang ipantapat sa dami ng bomba na ibinagsak umano ng US sa kanila, isang paraan daw upang ipakita ang paninindigan, habang iniiwasan pa rin ang mas malawak na digmaan sa rehiyon.

Samantala, bago mangyari ang pagsabog ay pansamantalang isinara ng Qatar ang kanilang airspace matapos ipag-utos ng Estados Unidos at United Kingdom sa kanilang mga mamamayan na manatili sa kanilang mga tirahan “hanggang sa susunod na abiso”.

Banta ngayon ng Iran na maghihiganti sa ginawa ng Amerika.