Patuloy na tumitindi ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos maglunsad ang Iran ng tinatawag na symbolic bombing laban sa Estados Unidos bilang bahagi ng kanilang retaliation o ganti sa mga naganap na pag-atake sa rehiyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Des Baker, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos, inihayag nitong natural na tumugon ang Iran sa anumang agresyon dahil sa pagiging matatag at makasaysayang bansa nito kaya’t kapag binomba ang Iran, asahan mong gaganti ito.

Kabilang sa mga target ng Iran ay mga pasilidad sa Gitnang Silangan, bahagi ng kanilang serye ng hakbang na tugon.

--Ads--

Bago pa man ang pag-atake ng Israel sa Iran, agad nang inilikas ang mga non-military personnel sa bansa bilang bahagi ng preventive measure.

Dagdag ni Baker, maririnig sa ilang bahagi ng Iran ang mga air siren bilang babala sa mga paparating na missile, indikasyon ng tumitinding seguridad at takot sa mga sibilyan.

Sa kabila ng mga nagaganap na military action, wala pa ring opisyal na anunsyo ng tigil-putukan mula sa panig ng Israel at Iran.

Sa ngayon, nananatiling tahimik ang publiko sa Amerika, at wala pang naitatala na kilos-protesta laban sa pambobomba ng U.S. sa Iran.

Nagkakaroon naman ng pagkakabaha-bahagi sa opinyon ng mga Americans ukol sa isyu. Ayon sa ilang Democratic legislators, labag umano sa konstitusyon ang ginawang military action ni Pangulong Donald Trump.

Sa kabilang banda, ipinagtanggol ito ng ilang analysts at ipinareho sa mga hakbang militar noong panahon ni dating Pangulong George W. Bush.

May mga ulat ring nagpapatibay sa posibilidad na nuclear-capable ang Iran, lalo na’t Israel umano ang unang nagsagawa ng pambobomba.

Sa kabila ng tensyon, patuloy ang epekto ng krisis sa enerhiya. Sa Pilipinas, nananatiling mataas ang presyo ng krudo. Ngunit sa Estados Unidos, nananatiling mababa ang presyo ng langis dahil sa kanilang sariling oil production.