Itinuturing na ngayon ng Iran bilang mga teroristang grupo ang mga hukbo ng mga bansang kasapi ng European Union (EU) na naglagay sa Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) sa listahan ng mga teroristang organisasyon, ayon kay Iranian Parliament Speaker Mohammad Baqer Qalibaf nitong Linggo.

Noong Huwebes, nagmarka ang EU ng isang makasaysayang pagbabago sa polisiya nito laban sa Iran matapos nitong ideklarang teroristang organisasyon ang IRGC, kasunod ng pinakamadugong crackdown ng Islamic Republic laban sa mga protesta mula nang maitatag ang bansa noong 1979.

“By trying to hit the Revolutionary Guards … the Europeans actually shot themselves in the foot and once again made a decision against the interests of their people by blindly obeying the Americans,” pahayag ni Qalibaf sa harap ng mga mambabatas na pawang nakasuot ng uniporme ng Revolutionary Guards bilang simbolo ng suporta sa elite force.

--Ads--

Dagdag pa ni Qalibaf, alinsunod sa Article 7 ng batas ng Iran laban sa pagdeklara sa Revolutionary Guards bilang teroristang grupo, itinuturing na ring teroristang organisasyon ang mga hukbo ng mga bansa sa Europa.

Sinabi rin niya na tatalakayin ng parliamentary commission on national security ang posibleng pagpapaalis sa mga military attaché ng EU sa Iran at makikipag-ugnayan sa Ministry of Foreign Affairs.

Nabatid na ang Islamic Revolutionary Guard Corps ay itinatag matapos ang 1979 Islamic Revolution upang ipagtanggol ang sistemang pinamumunuan ng mga Shi’ite clerics.

Sa kasalukuyan, malaki ang impluwensya ng IRGC sa Iran, dahil kontrolado nito ang malaking bahagi ng ekonomiya at sandatahang lakas ng bansa.