Ipinaliwanag ng Bise Alkalde ng bayan ng Mangaldan ang nilalaman ng Executive Order No. 2026-015 na inilabas ng pamahalaang bayan sa pangunguna ni Mayor Bonafe De Vera Parayno, na naglalayong magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya sa gitna ng umiiral na krisis sa pandaigdigang suplay ng langis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vice Mayor Johnny Cabrera na ang kautusan ay pangunahing nakatuon sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan (LGU) at mga barangay. Layunin nitong mabawasan ang konsumo ng kuryente habang patuloy na tumataas ang presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa bise alkalde, kabilang sa mga hakbang ang mahigpit na paggamit ng kuryente, partikular sa air-conditioning units na hindi dapat ibaba sa 24 degrees Celsius ang temperatura, at ang agarang pagpatay ng mga kagamitang hindi ginagamit.
Target din ng LGU na makapagbawas ng hindi bababa sa 10 porsiyento sa kanilang konsumo ng kuryente.
Nilinaw ni Cabrera na ang naturang executive order ay hindi nagbabawal sa mga aktibidad sa barangay gaya ng pista at paliga.
Sa halip, ito ay isang paalala o advisory na hikayatin ang mga opisyal na ipagpaliban o bawasan ang mga aktibidad na may mataas na konsumo ng kuryente.
Gayunpaman, wala pang kaakibat na parusa para sa mga residente o barangay na hindi susunod sa kautusan.
Tanging ang mga empleyado ng LGU ang maaaring mapatawan ng administrative sanctions sakaling lumabag.
Binanggit din ng bise alkalde na pinag-aaralan ng konseho ang posibilidad ng pagbalangkas ng ordinansa sa hinaharap na may kalakip na parusa kung magpapatuloy ang krisis.
Inamin ni Cabrera na isa sa mga hamon sa implementasyon ay ang kakulangan sa impormasyon at pag-unawa ng ilang residente, lalo na sa mga may naka-iskedyul nang aktibidad.
Gayunman, aniya, karamihan sa mga barangay ay nakikiisa at nakikita ang benepisyo ng pansamantalang pagtitipid.
Samantala, patuloy ding mino-monitor ng LGU ang sektor ng transportasyon, agrikultura, at pangingisda na direktang apektado ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Nakikipag-ugnayan na rin ang pamahalaan sa mga tricycle operators upang pansamantalang ipagpaliban ang taas-pasahe habang hinihintay ang posibleng fuel subsidy at cash assistance mula sa pambansang pamahalaan, kabilang ang Department of Social Welfare and Development.
Tiniyak ng bise alkalde na sa kasalukuyan ay “tolerable” pa ang sitwasyon sa Mangaldan, ngunit nangangailangan ng patuloy na pagbabantay at agarang aksyon upang maiwasan ang mas malalang epekto sa ekonomiya at kabuhayan ng mamamayan.










