Naglabas ng abiso ang Department of Trade and Industry (DTI) ukol sa pagpapatupad ng price freeze sa bayan ng Umingan, epektibo mula July 18 – September 16, 2025, matapos itong isailalim sa state of calamity dahil sa matinding pagbaha.
Gayunpaman, hindi ito agad naramdaman ng ilang mamimili at negosyante sa lugar.
Ayon kay Dolly Casildo Murao, isang lokal na negosyante, nananatiling maayos ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Wala umano siyang napansing pagtaas sa presyo ng bigas at mga de-lata.
Sa katunayan aniya, bumaba pa ang presyo ng karne ng baboy.
Tanging mga gulay lang ang may kaunting pagtaas, ngunit inaasahan na ito lalo na sa panahon ng sakuna.
Aniya na wala ring naitalang panic buying sa mga pamilihan.
Ayon pa kay Murao, bago lamang ang karanasan na ito sa Umingan, ang ganitong klaseng pagbaha, kaya’t hindi gaanong nabahala ang mga mamimili pagdating sa presyo ng bilihin.
Nilinaw din niya na wala silang natanggap na opisyal na abiso mula sa DTI tungkol sa pagpapatupad ng price freeze.
Aniya, walang naging malinaw na koordinasyon kaya’t tuloy-tuloy pa rin ang bentahan sa merkado sa karaniwang takbo.
Bagama’t hindi agad naiparating sa kanila ang abiso, positibo pa rin ang kanyang pananaw ukol sa price freeze.
Para sa kanya, magandang hakbang ito upang maiwasan ang pananamantala ng ilang negosyante na posibleng magtaas ng presyo sa gitna ng kalamidad.
Patuloy naman ang suporta ng lokal na pamahalaan at ng DTI sa mga apektadong residente at negosyo sa bayan.