Dagupan City – Nakaapekto ang ipinapakita ni Vice President Sara Duterte sa lumabas na trust rating nito sa bansa.

Ayon kay Atty. Francis Dominic Abril, Legal/Political Consultant, mistulang nagmatigas kasi ang bise sa kaniyang mga ipinakita sa nagdaang mga pagdinig.

Kung saan, naging malaki ang ibinagsak ng trust at approval rating nito sa pinakahuling survey ng Pulse Asia at Social Weather Station (SWS) ngayong Setyembre.

--Ads--

Bagama’t lahat ng matataas na opisyal simula kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. hanggang kay House Speaker Martin Romualdez ay bumaba ang rating noong Setyembre, kapansin-pansin na tanging rating ni VP Sara ang malaki ang ibinagsak.

Base sa Pulse Asia Survey, bumaba ng 10 puntos ang trust rating ng bise presidente mula 71% noong Hunyo, at ngayon ay nasa 61% na lamang.

Aniya, sana’y nagpakitang gilas na lamang si Duterte kung hindi sila magkaayos ng Pangulo.

Dahil dito, muling binigyang diin ni Abril na sa isang public servant o taong iniluklok sa pwesto, dapat ipakita nito ang kaniyang transparency, accountability, matalino at tamang pagsagot sa katanungan para sa taumbayan.