Nananatili ang internet connection at supply ng kuryente sa Israel sa kabila ng nagpapatuloy na kaguluhan sa pagitan nila ng Palestine.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay International Correspondent Harris King Castillo mula sa Tel Aviv Israel simula ng sumiklab ang kaguluhan ay hindi pa sila nawawalan ng supply ng kuryente at hindi rin napuputulan ng internet connection.
Aniya malabo kasing pasabugan o targetin ng Hamas ang mga planta ng kuryente o maging ang linya ng internet dahil sa Israel nagmumula ang kanilang kuryente.
Idagdag pa aniya na walang kakayahan ang Hamas na pasabugan ang kanilang target hindi tulad ng Israel na kung saan nila nais bumagsak ang kanilang mga papakawalang rocket ay doon talaga babagsak.
Dagdag pa ni Castillo na kapag may paggalaw ang Hamas ay natutukoy ito ng Israel kaya’t madali silang nakakapagbigay ng abiso sa mga residente upang makapaghanda.




