DAGUPAN CITY- Ang pag-alala sa mga kontribusyon ng mga kababaihan tuwing International Women’s Month ay bagay na nagbibigay ng kahalagahan sa kanilang naibahagi sa komunidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Kathie Lee Berco, Ms. Tourism Worldwide 2022, ang nasabing buwan ang nagbibigay ng pagkakaiba at pagkakapantay ng mga kasarian sa buong mundo.
Aniya, pagbibigay ito ng paalala na may kakayanan din ang mga kababaihan, katulad sa mga kalalakihan.
Kaya bilang isang kandidata ay may adbokasiya siyang pinanghahawakan na ang mga kababaihan ay may abilidad din na mamuno sa isang komunidad.
Bilang dating miyembro naman ng student government noong nag-aaral pa sa kolehiyo, ipinapakita niya rin ang buong potensyal ng mga kababaihan sa pamumuno.
Kaya isang oportunidad ang kanilang mga naging aktibidad upang mahasa ang kakayanan nila bilang isang babae.
Ibinahagi rin ni Berco na naging pundasyon niya sa kaniyang layunin ang kaniyang karanasan noong pinasok niya ang kursong Political Science kung saan kaisa-isa siyang babae na estudyante.
Samantala, hinihikayat niya ang mga kapwa kababaihan na palibutan ang sarili ng mga taong kayang makapagbigay ng tamang kritisismo na makatutulong mabuo ang kanilang paniniwala sa sarili.
Dagdag pa niya, mas maigi sa mga kabataang kababaihan na hanapin agad ang kanilang adbokasiya na makakapagbahagi sa sosyedad.
Sinabi pa ni Berco, hindi na dapat pinagkakaiba ang kakayanan ng kababaihan sa kalalakihan dahil sa kasalukuyan ay mas nabibigyan na ng kahalagahan ang ‘gender equality’.
Ito ay dahil na rin aniya sa mas napapakinggan na ang mga kababaihan at kinikilala na ang kanilang impact sa mundo.