Hiniling ng International Coalition for Human Rights in the Philippines ang paglalabas ng arrest warrant para sa umano’y mga kasabwat ni dating Pangulong Duterte kaugnay ng kanyang war on drugs campaign noong kanyang termino.

Ito ay matapos ilabas ng International Criminal Court (ICC) ang listahan ng mga dokumentong naglalaman ng mga kaso laban sa dating pangulo, kabilang ang kanyang mga co-perpetrators.

Kasama sa nasabing listahan sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police, at Christopher Lawrence “Bong” Go, matagal nang kasama ng pangulo at dating special assistant nito.

--Ads--

Ayon sa tagapagsalita ng ICHRP na si Peter Murphy, hinimok nito ang ICC na agarang maglabas ng arrest warrant laban kina dela Rosa at Go, pati na sa iba pang napangalanan, dahil may posibilidad umanong habang sila ay nananatiling malaya ay maaari silang makasira ng ebidensya, mang-harass ng mga testigo, o magtago sa ibang bansa.

Tinanggi naman nina Go at former Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, isa pang kabilang sa listahan, ang kanilang pagkakasangkot sa mga akusasyong may kaugnayan sa war on drugs.

Nananatiling tikom ang bibig ni dela Rosa, na huling nasilayan sa Senado noong Nobyembre matapos magpasaring si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na may nakahandang ICC warrant of arrest laban sa senador.

Kasunod ng naturang pahayag noong nakaraang taon, sinabi ng Department of Justice na wala pa silang natatanggap o nasisilayang anumang kaugnay na dokumento.