Dagupan City – Ipinag-utos ng Commission on Elections (COMELEC) na kinakailangan ang pahintulot ng mga kompositor para sa mga kantang gagamitin bilang campaign jingles ngayong eleksyon.
Simula noong Pebrero 11, nang magsimula ang kampanya para sa mga senador at party-list, marami nang campaign jingles ang naririnig sa radyo, telebisyon, social media, at sa mga political rallies sa buong bansa.
Inaasahang dadami pa ito sa Marso 28, kapag nagsimula na ang kampanya para sa mga lokal na posisyon.
Ayon kay Atty. Michael Franks Sarmiento, Election Supervisor ng COMELEC Dagupan City, nakasaad sa batas ang pangangailangan na igalang ang Intellectual Property Rights (IPR) ng mga orihinal na kompositor.
Binigyang-diin niya na kinakailangang kumuha ng pahintulot ang mga kandidato sa mga may-ari ng mga kantang gagamitin nila sa kanilang kampanya.
Saad nito na ang paglabag sa IPR ay maaaring magresulta sa pagtigil sa paggamit ng kanta at maari pang maharap sa mga legal na parusa sa ilalim nito.
Matatandaan na pinagtibay na ito ng Commission on Elections (COMELEC) at ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan nila pareho noong nakaraang buwan upang maprotektahan ang mga karapatang intelektuwal at maiwasan ang hindi awtorisadong paggamit ng mga musikal na komposisyon sa mga kampanya sa politika.
Layunin ng MOA na tiyakin ang paggalang sa mga karapatan ng mga orihinal na artista at kompositor.
Sa ilalim ng kasunduang ito, ang paggamit ng mga kandidato ng mga campaign jingles nang walang pahintulot ng mga may-ari ay maituturin nang election offense.