Dagupan City – Nagkakaloob ang Government Service Insurance System (GSIS) ng libreng insurance coverage sa mga miyembrong matagumpay na nakapag-install ng solar panel sa ilalim ng Ginhawa Solar Energy Loan (GSEL), bilang proteksyon laban sa mga panganib sa loob ng unang tatlong taon ng loan, basta nananatiling aktibo ang kanilang account.

Ayon kay Mabel del Guzman, agad na magkakabisa ang insurance coverage sa sandaling maipagkaloob ang insurance policy, habang ang mga solar panel na lalampas sa halagang hiniram o lampas sa tatlong taong saklaw ay sasailalim na sa hiwalay na insurance na sasagutin ng miyembro.

Aniya na saklaw ng programa ang hanggang 100 porsyento ng kabuuang gastos sa solar panel system, kabilang ang kagamitan at bayad sa instalasyon, na hindi hihigit sa P500,000.

--Ads--

Samantala, ang pagbabayad ng loan ay nakatakda sa loob ng limang taon o katumbas ng 60 pantay-pantay na buwanang hulog.

May itinakdang interes na 5 porsyento kada taon, na may kabuuang 9.54 porsyento sa loob ng limang taon.

Hinihikayat naman ng GSIS ang mga miyembro na samantalahin ang GSEL upang makatipid sa konsumo ng kuryente at magkaroon ng mas maaasahang pinagkukunan ng enerhiya.