DAGUPAN CITY- Bumaba ang mga insidente ng pang-aabuso sa kababaihan at kabataan sa Region 1 ngayong taon kumpara sa nakaraang taon ayon sa datos ng Women and Children Protection Desk- Regional Investigation and Detective Management Division.

Ayon kay Pmaj. Monette C. Balderas, Chief ng nasabing opisina na bumaba ng 29% ang mga kaso mula Enero 1 hanggang Nobyembre 30 ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Sa datos, 1,227 ang naitalang kaso noong 2024, habang 868 naman ngayong taon.

--Ads--

Aniya na ang top 3 na kaso na kinasangkutan ng mga kababaihan at kabataan sa Rehiyon ay kinabibilangan ng rape, violence against women and children, at acts of lasciviousness habang pang-apat naman ang paglabag sa Anti-Child Abuse Law o RA 7610.

Sinabi rin ni Pmaj. Balderas na hindi laging sa PNP unang nagre-report ang mga biktima. Minsan, dumudulog sila sa barangay kung saan may mga barangay aides o sa mga MSWD.

Tiniyak ni Pmaj. Balderas na tinutulungan nila ang mga biktima sa paggawa ng kanilang complaint affidavit at sinasamahan sila sa mga ospital para magpatingin kung may mga physical abuse.

Saad pa niya na ang confidentiality ng mga kaso ng kababaihan at kabataan ay dapat isaalang-alang upang maging limitado lamang ang mga taong may access sa impormasyon ng mga kaso nito .

Ibinahagi naman niya na may mga kaso silang natatanggap na mula pa noong 2016 at 2022, kung saan ilang taon na tinago ng mga biktima ang kanilang karanasan dahil sa takot pero sa ngayon aniya ay mas nagkakaroon na ng lakas ng loob ang mga biktima na mag-report ng pang-aabuso.

Binigyang-diin pa ni Pmaj. Balderas na ang pagbaba ng mga kaso nito ay sa pamamagitan ng mga patuloy na kampanya ng iba’t ibang ahensya upang magkaroon ng kaalaman ang publiko para magsumbong para hindi matapakan ang kanilang karapatang pantao.