DAGUPAN CITY- Usapin pa rin hanggang ngayon ang ginawang pagpapatanggal ng toga ng isang principal sa graduation ceremony sa Antique, na nagdulot ng emosyonal na eksena sa mga estudyante at muling nagpainit sa diskusyon tungkol sa karapatan ng mga mag-aaral sa makabuluhang pagdiriwang ng pagtatapos.
Ayon kay Benjo Basas, Chairman ng Teachers’ Dignity Coalition, malinaw na batay sa umiiral na mga patakaran ng Department of Education (DepEd), hindi ipinagbabawal ang pagsusuot ng toga o sablay sa graduation ceremonies.
Sa katunayan, ani Basas, ito ay itinuturing na optional lamang ng kagawaran, salungat sa naging desisyon ng principal na ipagbawal ito sa mismong araw ng seremonya.
Aniya, kailangang isaalang-alang ang tatlong pangunahing aspeto sa ganitong isyu: una, ang umiiral na mga alituntunin ng DepEd; pangalawa, ang dynamics sa loob ng paaralan at ng seremonya; at ikatlo, ang aktuwal na kalagayan at damdamin ng mga mag-aaral.
Dagdag pa ni Basas, hindi katanggap-tanggap ang naging aksyon ng principal anuman ang anggulo ng pagsusuri.
Para sa kanya, ang naturang insidente ay hindi lamang nagpakita ng kakulangan sa maagang pagpaplano kundi direktang nakaapekto sa isang mahalagang yugto sa buhay ng mga estudyante.
Aniya, nasira ang diwa ng selebrasyon lalo pa’t maraming binitiwang pagbabanta umano ang nasabing school head.
Inihayag din niya na bagamat maaaring may pagkukulang din sa panig ng mga guro at magulang sa maagang koordinasyon, nasa kamay pa rin sana ng principal ang pagresolba nito sa paraang mas maaga at mas maayos, at hindi sa gitna na ng mismong seremonya.
Paglilinaw ni Basas, maituturing man itong isolated case, nararapat pa ring aksyunan ng DepEd upang hindi na ito maulit.
Dapat aniya ay maging mabilis ang aksyon ng kagawaran sa mga ganitong reklamo.
Sa reyalidad, dagdag pa niya, mas madalas na agad inaaksyunan ang mga isyu kapag sangkot ay mga ordinaryong guro, ngunit kapag nasa mataas na posisyon ang nasasangkot, kadalasan ay nabibigyan pa ng konsiderasyon.
Panawagan niya sa DepEd ang pantay-pantay na pagtingin at pag-aksyon sa anumang uri ng reklamo, maliit man o malaki, nasa mataas man o mababang posisyon.