DAGUPAN CITY- Muli na namang nakapagtala ng insidente ng Grassfire sa bayan ng Calasiao na siya ring madalas na nirerespondehan ng mga bumbero sa nasabing bayan.

Ayon kay FO2 Leslie Manipon, Public Information Officer ng DPO – Calasiao BFP, ang mga insidente ng grass fire ay nangyayari sa umaga, hapon, at maging sa gabi ay naipapaulat din.

Isa aniya sa mga pangunahing sanhi ng mga sunog na ito ay ang pagsunog ng ilang residente sa kanilang mga natirang basura pagkatapos maglinis, na madalas ay malapit sa mga damuhan.

--Ads--

Kapag hindi maagapan, mabilis itong kumakalat at nagiging sanhi ng malaking sunog.

Ang huling naitalang grass fire umano ay nangyari kahapon sa Barangay Mancup, kung saan ang mga bombero ay rumesponde ng mahigit 4 na oras, mula alas 11 ng umaga hanggang alas 3 ng hapon.

Dahil malawak ang lugar ng insidente at malapit ito sa isang subdivision at mga kabahayan, binantayan ito upang hindi na kumalat pa ang apoy.

Ayon kay Manipon na taon-taon ay nagkakaroon ng mga grass fire sa bayan ng Calasiao, lalo na tuwing buwan ng Marso.

Bukod din sa Barangay Mancup, nangyari na rin ang mga insidenteng ito sa Barangay Banauang, Barangay Gabon, at Barangay San Miguel.

Bilang bahagi aniya ng mga hakbang para maagapan ang mga insidenteng ito, laging binibigyang-diin ng mga awtoridad na agad rumesponde sa mga sunog, lalo na’t ang usok ay maaaring magdulot ng zero visibility sa mga kalsada, na isang malaking panganib sa mga motorista.

Sa kabila ng mga grass fire, ayon sa mga lokal na awtoridad, wala pang naitalang sunog sa mga kabahayan o establisimyento mula nang magsimula ang taon.

Patuloy din ang paalala sa publiko na iwasan ang pagsusunog ng mga basura, lalo na kung malapit ito sa mga damuhan, upang hindi na magdulot ng mas malaking apoy at panganib sa komunidad.