DAGUPAN CITY- Itinaas ng lokal na pamahalaan ng Sta. Barbara, ang kanilang inisyatiba para sa mga nakalinyang programa sa taong 2026, partikular na ang mga proyektong tutugon sa problema ng pagbaha sa ilang barangay na matagal nang naiisantabi.

Ayon kay Municipal Mayor Carlito Zaplan, patuloy na pinag-uusapan kasama ang Municipal Engineering Office ang mga pangunahing prayoridad para sa kapakanan ng mga mamamayan, lalo na sa mga lugar na palaging apektado ng pagbaha.

Aniya na isa sa mga hakbang na inilatag ay ang alokasyon ng paunang 15 milyong piso para sa pagpapataas ng kalsada sa bahagi ng Marusay Creek, na direktang konektado sa Sinucalan River.

--Ads--

Bagaman maayos na umano ang bahagi ng ilog na ito at hindi na gaanong binabaha, nananatiling suliranin ang mababang daan sa nasabing creek.

Kaugnay nito, nagpapatuloy ang dredging operations sa lugar upang mas mapabuti pa ang daloy ng tubig.

Gayunpaman, ikinalulungkot ng lokal na pamahalaan ang kawalan pa rin ng aksyon mula sa pamahalaang panlalawigan hinggil sa mga matagal nang isinumiteng kahilingan.

Dahil dito, napilitan na silang kumilos at isagawa ang mga kinakailangang hakbang, kahit walang tulong mula sa mas mataas na antas ng pamahalaan.

Samantala, nilinaw din ng alkalde na hindi kontrata ang ginagamit sa dredging activity.

Isa umano itong indikasyon na ginagawa ito bilang direktang aksyon ng LGU para tugunan ang agarang pangangailangan ng kanilang mga kababayan.

Ayon sa alkalde, kung magpapatuloy ang kawalan ng tugon mula sa pamahalaang panlalawigan, sila na mismo ang kikilos para sa mga lugar na hindi na madaanan, upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng kanilang mga nasasakupan.