DAGUPAN CITY- Binalot ng negatibong reaksyon mula sa mga Amerikano ang inihaing impeachment case laban kay US President Donald Trump dahil sa pagpapasabog ng US sa tatlong nuclear sites ng Iran.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, nagpakita ng pagtutol sa naging aksyon ni Trump ang ilang mga mambabatas sa kanilang bansa.

Kabilang na umano si House minority leader Hakeem Jeffries na nagrereklamong hindi dumaan sa congressional approval ang naging desisyon ni Trump.

--Ads--

Giit naman ni Pascual na kabilang sa konstitusyon na may kapangyarihan ang Presidente bilang commander of chief ng Armed Forces ng Amerika para sa isang partikular na kaganapan.

At batay sa batas, magkakaroon lamang ng impeachment kung ang pangulo, bise presidente, o sinumang civil officers ay nakagawa ng treason, bribery, high crimes, o di naman ay misdemeanors.

Hindi aniya kabilang sa mga ito ang pambobomba ng US sa Iran subalit, nagdulot pa rin ito ng negatibo sa bansa.

Sinabi din ni Pascual na ang impeachment case ay nagiging hadlang sa ginagampanang trabaho ni Trump bilang presidente ng Estados Unidos.

Samantala, sang-ayon si Pascual na makatanggap si Trump ng nominasyon para sa 2025 Nobel Peace Prize dahil sa mahalagang ginampanan nitong papel para sa ceasefire sa 12-day conflict sa pagitan ng Israel at Iran.

Aniya, naghatid rin kase ito ng kaligtasan sa buong mundo at hindi lamang sa US at Israel matapos gumawa ng daan si Trump para maipagpatuloy ang ceasefire at sang-ayunan ng mga bansang sangkot.