Lumobo na sa P3 billion ang halaga ng pinsalang inabot ng infrastructure sector sa Cordillera Administrative Region dahil sa magkakasunod na kalamidad na nagresulta sa mga pagguho ng lupa at malawakang pagbaha.

Sa loob ng mahigit tatlong linggong pag-ulan, maraming road network sa naturang rehiyon ang apektado, habang ilang istruktura tulad ng mga kabahayan, ang nawasak.

Kinabibilangan ito ng bumagsak na ilang bahagi ng road network na komokonekta sa Cordillera Administrative Region (CAR), Cagayan Valley Region, at Central Luzon; rock netting projects sa Benguet, at iba pang mga public infrastructure project.

--Ads--

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, posibleng lalo pa itong tataas habang nagpapatuloy ang assessment at validation sa mga epekto ng kalamidad.

Bagaman nagpapatuloy pa rin ang validation, nangako ang kalihim ng sapat na pondo para sa agarang rehabilitasyon sa mga nasirang imprastraktura.

Ayon sa kalihim, isa sa pangunahing prayoridad ngayon ng DPWH at ng national government ay ang pag-aayos at rehabilitasyon sa mga nasirang imprastraktura upang matulungan ang Cordillera sa pagrekober mula sa epekto ng kalamidad.

Nasa 15 indibidwal ang namatay sa buong Cordillera sa nakalipas na mga linggo dahil sa rain-induced landslides na dala ng mga kalamidad.

Tiniyak din ni Dizon ang pagtutok sa iba pang rehiyon na nakapagrehistro ng infrastructure damage dahil sa mga magkakasunod na kalamidad.