Dagupan City – Ngayong malamig ang panahon, isa sa mga binabantayan ng health workers ay ang sakit na influenza o trangkaso.
Ayon kay Dra. Anna Teresa De Guzman, Provincial Health Officer II ng Pangasinan Health Offfice, ito ay dahil sa mas mataas ang tiyansang magtagal ang mga virus sa malamig na panahon kung kaya’t madali itong naililipat sa mga kagamitan.
Aniya, isa sa mga pangunahing dinadapuan ng mga sakit na ito ay ang mga bata, buntis, at mga matatanda na nasa edad 55-anyos pataas, na siya ring prayoridad na mabigyan ng limitadong suplay ng Flu Vaccination Drive sa lalawigan. Nauna nang nilinaw ni De Guzman, na bagama’t limitado lamang ang suplay ng vaccine ay sinisiguro naman nilang binibigyan pa rin ng sapat na pangangailangan ang publiko nang sa gayon ay maagapan ang kumakalat na sakit.
Samantala, payo naman nito sa publiko, ugaliing mag-hugas ng kamay o kaya’y mag-alcohol nang sa gayon ay maiwasan at mapababa ang tiyansa ng pagakakaroon ng trangkaso. Gumamit din aniya ng mga jacket lalo na ngayong malamig na panahon.