Dagupan City – Tumaas sa 2.6% ang inflation rate sa lalawigan ng Pangasinan nitong Mayo 2025, mula sa 1.8% noong Abril, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) Region 1.
Ayon sa PSA Pangasinan, pangunahing dahilan ng pagtaas ng inflation ay ang pagmahal ng mga gastusin sa pabahay, tubig, kuryente, at gas.
Malaking bahagi nito ay ang pagtaas sa singil sa kuryente nitong Mayo.
Nagkaroon din ng pagtaas sa renta ng tirahan, serbisyo sa pagkain at akomodasyon, sektor ng pananamit, alak at sigarilyo, gamit sa bahay at pagkukumpuni, libangan at kultura, pati na rin sa mga personal na gamit.
Samantala, bumaba naman ang presyo ng pagkain, inuming hindi alkoholiko, at transportasyon.
Nanatili namang walang pagbabago ang inflation sa sektor ng kalusugan at komunikasyon.