Patay ang isang incumbent barangay kagawad matapos kitilin ang sariling buhay sa barangay San Felipe Central sa bayan Binalonan, Pangasinan.
Ayon kay police major Aurelo Manantan, chief of police ng Binalonan PNP, kinilala ang biktima na si barangay kagawad Eduardo Hidalgo, 65 anyos at residente sa barangay San Felipe Sur, sa nasabing bayan.
Bago ang insidente ay napapansin na umano ng kanyang asawa at pamilya na hindi na nakakatulog, hindi nakakain at palaging balisa.
Saad ng kanyang asawa, problema sa negosyo ang nakikitang dahilan ng pagpapakamatay.
Mula nang nanghina ang kanilang negosyo ay nakakaranas na raw ng depresyon.
Nagbiro pa raw ito na gigilitan ang leeg gamit ang grinder na akala naman ng kanyang kamag anak ay biro lamang.
Nangyari ang insidente nang nagpunta sila sa bukid kasama ang kanyang pinsan at doon umano ginilitan ang leeg gamit ang grinder.
Agad na umuwi sa bahay ang kanyang pinsan para ipaalam ang pangyayare pero nang balikan nila ito sa bukid ay wala ng buhay.
Nabatid na ito ay pangalawang suicide incident sa bayan ng Binalonan.