Dagupan City – Nanawagan si Atty. Francis Dominick Abril, legal at political consultant, na dapat dalhin sa korte ang anumang incriminating statements na lumabas sa katatapos na Senate hearing hinggil sa usapin ng flood control upang magkaroon ng mas malalim at mas pormal na pagsusuri sa ebidensya.
Ayon kay Abril, mahirap aniyang patunayan ang mga akusasyon na ibinabato lalo na’t pawang pahayag pa lamang ito, kabilang na ang naging statement ni Former DPWH Usec Roberto Bernardo.
Tungkol naman sa naging pahayag ni Former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, sinabi ni Abril na hindi ito sworn statement kaya’t wala itong direktang bigat bilang legal na batayan.
Gayunman, sinabi ni Abril na sa larangan ng pulitika, malaki ang epekto nito sa mga sangkot.
Aniya, mapapansin ang tila “excitement” ni Co sa paglalabas ng mga pangalan at pagpapakita na siya umano ang biktima ng mga inilantad niyang pangalan na sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (PBBM) at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa kabila ng umiinit na isyu, umaasa si Abril na magiging maayos at mapayapa ang ginagawang imbestigasyon, lalo’t nakikita na aniya ang pagkakahati-hati ng mga tagasuporta ng Uniteam.
Nanawagan din si Abril sa publiko at sa mga otoridad na ilahad ang tama at tapat na impormasyon mula sa credible sources at iwasan ang pag-asa sa mga trolls o mga indibidwal na umano’y nababayaran upang baguhin ang daloy at diin ng kuwento.










