Masaya at bahagyang nabawasan ang bigat ng pasanin ng transport sector sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa inaasahang rollback sa presyo ng langis bukas.
Ayon kay Bernard Tuliao, presidente ng Alliance United Transport Organization Provincewide o AUTOPro Pangasinan, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, tinatayang nasa 85 hanggang 90 porsyento na ng mga pampublikong sasakyan ang muling bumibiyahe sa kasalukuyan.
Mas mataas ito kumpara noong nakaraang Linggo kung kailan halos hindi nakabiyahe ang maraming jeepney dahil sa pagkalugi ng mga drayber, bunsod ng pagtaas ng presyo ng diesel na umabot sa mahigit ₱100 kada litro.
Samantala, inaasahan ding matatanggap sa loob ng linggong ito ang fuel subsidy para sa mga jeepney driver at operator mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon sa grupo, wala umanong magiging problema sa distribusyon ng ayuda dahil kumpleto ang mga kinakailangang dokumento ng mga drayber at operator.
Nilinaw rin ni Tuliao na nananatili sa ₱13.00 ang regular na pasahe sa mga jeepney sa lalawigan.










