Positibong naaapektuhan ng tumataas na heat index ang industriya ng asin sa lalawigan ng Pangasinan, ayon kay Provincial Assistant Agriculturist Nestor Batalla.
Ipinaliwanag ni Batalla na mahalaga ang matinding sikat ng araw sa produksyon ng tinatawag na solar salt, kaya’t mas napapabilis ang proseso ng pag-aani sa kasalukuyang panahon. Dahil dito, target ng lalawigan na makapagprodyus ng hindi bababa sa 8,500 metriko tonelada o katumbas ng 8.5 milyong kilo ng asin ngayong taon.
Dagdag pa niya, may posibilidad na malampasan pa ang naturang target dahil sa panahon.
Samantala, nagpapatuloy na rin ang pagpapadala ng agricultural-grade salt fertilizer sa iba’t ibang probinsya tulad ng Aurora, Zambales, at Bataan. Ayon sa Philippine Coconut Authority, nakatakda ang presyo nito sa P800 kada sako na may timbang na 50 kilo.
Gayunpaman, aminado si Batalla na naapektuhan pa rin ang sektor ng asin dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo. Bilang tugon, nagpatupad ang mga prodyuser ng mga hakbang upang mabawasan ang gastusin, kabilang ang pagbawas sa konsumo sa ilang bahagi ng operasyon at mas maingat na paggamit ng produktong petrolyo.
Sa kabila nito, tiniyak ni Batalla na walang manggagawang nawalan ng trabaho sa industriya ng asin, lalo na’t kasalukuyang rurok ng panahon ng anihan ng asin sa lalawigan.










