Dagupan City – Ibinahagi ng Department of Labor and Employment Central Pangasinan ang mga inaasahang holiday pay at maging deadline sa pagbibigay ng 13th month pay ng mga employers sa mga manggagawa ngayong buwan ng Disyembre.

Ayon kay Rhodora Dingle ang Officer-in-Charge DOLE Central Pangasinan Field Office na ang holiday pay ay may dalawang klase tulad ng Special Holiday Pay at Regular Holiday Pay.

Aniya na ang mga mangangawa na papasok sa special holiday pay ay madadagdagan ng 30% sa kanyang arawang sahod kaya magiging 130% ang matatanggap niyang sahod sa araw na iyon habang ang Regular Holiday Pay naman ay nasa 200% sa daily rate ng manggagawa ang bayad sa kanila ngunit kung hindi pumasok sa araw na ito ay mayroon naman silang 100% na matatanggap na bayad mula sa employer.

--Ads--

Saad pa nito na ang mga araw na pasok sa Special Holiday ay ang December 8, December 24 at December 31 habang ang Regular Holiday ay sa December 25, December 30 at January 1.

Samantala, binigyan diin naman nito na ang pagbibigay sa mga empleyado ng 13th month pay ay may deadline.

Ayon aniya sa batas na dapat sa December 24 o bago nito ay naibigay na sa mga manggagawa ang kanilang 13th month pay.
Kinocompute aniya ito sa kabuuan na sahod ng isang empleyado sa isang taon na dinidivide sa 12 months para makuha ang kabuuang halaga ng matatangap mula sa employer.

Samantala, panawagan nito na kung may mga katanungan o nais malaman patungkol sa usapin ng sahod ay maaring bisitahin ang kanilang opisina upang makapagbigay sila ng tugon at mapaalalahanan nila ang mga employers na hindi tumatalima sa tamang pagbabayad ng sahod sa mga empleyado. (Oliver Dacumos)