Halos isang dekada matapos ang madugong kampanya laban sa ilegal na droga, naniniwala si Llore Pasco, isang ina na nawalan ng dalawang anak, na malapit na nilang makamit ang mailap na hustisya sa pagbubukas ng paglilitis ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Pasco ang sakit ng pagkawala ng kanyang dalawang anak noong 2017, na matapos sumuko sa kanilang barangay sa ilalim ng rehimeng Duterte ay natagpuan na lamang ang mga bangkay sa Quezon City. Sa kabila ng mahabang paghihintay, ikinalugod ni Pasco ang takdang pagsisimula ng trial ni Duterte para sa “crimes against humanity” sa darating na Nobyembre 30, 2026.
Ayon kay Pasco, 99.9% siyang sigurado na mahahatulan ng pagkakasala ang dating Pangulo. Bagama’t nasa The Hague, Netherlands na ang dating lider, inamin ni Pasco na nananatili ang takot dahil sa impluwensya nito at sa nararanasan niyang online harassment at bashing mula sa mga taga-suporta nito. Gayunpaman, binigyang-diin niya na handa siyang tumayo bilang saksi sa The Hague kung bibigyan ng pagkakataon.
Hindi lamang si Duterte ang nais mapanagot ni Pasco. Ipinahayag niya ang pagkadismaya sa mabagal na proseso kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na tinagurian niyang “fugitive of justice”. Iginiit din niya na dapat makasuhan ang iba pang pinangalanan ng ICC, kabilang na sina, Senator Christopher “Bong” Go, dating PNP Chief Oscar Albayalde, dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, at iba pang matataas na opisyal ng pulisya at ahensya na pinangalan ng ICC bilang co-perpetrators ng dating Panulo.
Nanawagan si Pasco kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyan sila ng proteksyon at pabilisin ang pag-aresto kay Sen. Bato dela Rosa. Hinikayat din niya ang iba pang pamilya na biktima ng “drug war” na huwag matakot at sumama sa kanilang laban para sa katarungan.










