Dagupan City -‘Hindi ito kayang gawin ng anak ko’

Ito na lamang ang paulit-ulit na binitawan ng ina ni Hazel Ann Morales na si alyas “Sally” sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan.

Aniya, sa halos 7 taon nitong naninirahan sa Japan at maski dito sa bansang Pilipinas ay wala pang napaulat na inagrabyado o nakaaway si Hazel. Sa katunayan aniya, ang naging motibasyon ng kaniyang anak para makipag-sapalaran sa Japan ay ang kaniyang anak na sa kasalukuyan ay nag-aaral pa.

--Ads--

Nauna naman nang nilinaw ni Sally na sa payat at sa iniindang first stage ovary cancer ng kaniyang anak, malabong makayanan pa ni Hazel na magbuhat ng mga mabibigat, na siyang nagpapahina rin ng tiyansang kaya niyang gawin ang pagpaslang sa dalawang mag-asawang sina Takahashi Tokuhira, 55-anyos at Kimei, 52-anyos.

Kaugnay nito, ibinahagi rin ni ‘Sally’ ang isa rin sa mga nababanggit ng anak sa kaniya sa tuwing tumatawag ito ay ang minsang pagtatalo nila ng kaniyang kasintahang anak ng dalawang mag-asawa. Sa nakikita naman ng pamilya ni Sally, maaaring frame-up lamang ito sa anak.

Panawagan naman nito sa pamahalaan partikular na sa Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration, nawa’y tulungan ang kaniyang anak na mapalabas ang katotohanan sa lalong madaling panahon, dahil nag-aalala na ang mga ito sa kung ano nga ba ang mangyayari kay Hazel sa naturang bansa.