Tinawag ni Vice President Sara Duterte na pag-aaksaya ng pampublikong pondo ang nagpapatuloy na impeachment trial laban sa kanya. Giniit ng Bise Presidente ‘wala umanong sapat na ebidensiya para suportahan ang mga paratang.
Sa isang pahayag, sinabi ni VP Sara na pinatunayan umano sa ikaapat na araw ng paglilitis ang matagal na niyang iginigiit na walang matibay na batayan ang impeachment complaint.
Tinawag din ng Bise na “fiction” lamang ang alegasyong nagbanta siya at nangontrata ng “assassin,” kung saan hindi aniya maaaring gawing katotohanan ang mga kathang-isip lamang.
Ayon sa Ikalawang Pangulo, ang isang impeachment trial ay dapat kapani-paniwala, may matibay na ebidensiya, at hindi nanggaling sa mga haka-haka.
Giit pa nito na ang pagsasagawa ng mga hakbang na walang sapat na batayan ay nakaaapekto sa integridad ng institusyon, nagpapahina sa tiwala ng publiko, at nakahahadlang sa paghahanap ng katotohanan.










