“All set na.” Ito ang matapang na pahayag ni Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, hinggil sa nakatakdang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na opisyal na aarangkada sa Hulyo 6.

Inaasahang magiging mainit ang bakbakan sa pagitan ng mga de-kalibreng abogado. Ang prosecution panel ay pangungunahan ni Representative Gerville Luistro bilang lead prosecutor, katuwang ang 10 hanggang 25 bihasang private prosecutors na magsisilbing pro-bono volunteers.

Samantala, nakahanda naman ang defense team ng Bise Presidente na kabibilangan ng mga tanyag na law firms gaya ng Fortun, Narvasa, & Salazar Law Firm.

--Ads--

Sa gitna ng tensyon sa pagitan ng kampo ni Sen. Alan Peter Cayetano at ng grupo ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian, naniniwala si Simbulan na nag-stabilize na ang sitwasyon matapos kilalanin ng Malakanyang at House of Representatives ang quorum at liderato ni Gatchalian.

Ayon kay Simbulan, si Gatchalian ang tatayong Presiding Officer ng Impeachment Court, habang tinawag naman niyang “Senate President ng Facebook” si Cayetano dahil sa kawalan umano ng legal na basehan sa pag-angkin nito sa posisyon.
Binigyang-diin ni Simbulan na dapat tutukan ng publiko ang kasong ito dahil usapin ito ng confidential funds o pera ng taong bayan na pinaghirapan sa “pawis at dugo”.

Suportado rin niya ang mungkahi ni Rep. Luistro na gamitin ang wikang Filipino sa trial upang matiyak na naiintindihan ng bawat karaniwang mamamayan ang proseso at accountability ng ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Kung mapatunayang guilty sa mga articles of impeachment, mahaharap si VP Duterte sa parusang pagkatanggal sa tungkulin at perpetual disqualification sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.