Hindi maaalis na ang napapaulat na impeachment laban kay President Ferdinand Marcos Jr. ay may political interest.

Ito ang binigyang diin ni Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan.

Ani Yusingco nananatiling haka-haka o kuro-kuro lamang ang mga napaulat na posibleng paghahain ng impeachment complaint laban kay Marcos sakaling magpatuloy ang sesyon ng House of Representatives.

--Ads--

Dito na niya ipinaliwanag na wala umanong inilalatag na malinaw na detalye o dokumento kaugnay ng nasabing impeachment, taliwas sa kasalukuyang nakabinbing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na may kalakip na mga kaukulang dokumento.

Iginiit ni Yusingco na ang impeachment ay hindi tamang hakbang kung ang layunin ay panagutin ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno.

Aniya, mas mahalaga na makulong ang mga korap at maibalik ang mga pondong ninakaw, sa halip na gumamit ng prosesong maaaring magpalala lamang ng hidwaang pampulitika.

Binigyang-diin din niya na ang impeachment ay hindi nakatutulong sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa dahil lalo lamang nitong pinaiigting ang partisanship, kung saan nagkakaroon ng kaniya-kaniyang panig ang mga pulitiko na maaaring mauwi sa matinding tensyon.

Dagdag pa ni Yusingco, uso sa mga politiko ang tinatawag na “speed tactics,” kung saan mabilis na nagpapalutang ng mga isyu tulad ng impeachment, cabinet revamp, at iba pang kontrobersiya, kahit wala pang sapat na batayan.

Aniya, isa lamang umanong tsismis ang isyung impeachment laban sa Pangulo sa ngayon.

Kung pagdudugtung-dugtungin din aniya ang mga pangyayari, malinaw na nangingibabaw ang pansariling interes ng ilang pulitiko.

Posible rin umanong may mga elemento sa loob mismo ng administrasyon na naninira o nagdududa sa Pangulo, partikular upang maimpluwensiyahan ang opinyon ng mga botanteng nananatiling undecided.

Aniya, mahalaga ang papel ng mga undecided voters dahil malaki ang magiging epekto ng kanilang desisyon sa nalalapit na halalan.