DAGUPAN CITY- Pagbabawas sa budget ng Office of the Vice President at pag-impeach kay Vice President Sara Duterte ang panawagan ng Bagong Alyansang Makabayan sa kanilang pagprotesta sa harapan ng kongreso kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Raymond De Vera Palatino, Secretary General ng naturang grupo, malinaw na nilabag ng bise presidente ang tiwala ng taumbayan dahil sa paggastos nito sa confidential at intelligence fund at budget ng kaniyang opisina. Gayundin sa ginawa nito bilang kalihim nito ng edukasyon at pagtangging sagutin ang tanong mamamayan at mambabatas.

Isa din umanong absulto ang pagtindig ni VP Duterte bilang pag-iwas sa mga katanungan.

--Ads--

Hindi aniya ito akma para sa dapat iasal ng isang opisyal partikular na sa bise presidente.

Giit niya na hindi lisensya ang pagkahalal sa naturang pwesto upang pagnakawan ang bayan at labagin ang konstitusyon.

Aniya, hinahanda na nila ang ipapasang impeach complaint at nakikipagtulungan na din sila sa iba pang mga concerned citizens at mga grupo.

Naniniwala si Palatino, sapat nang pagbatayan ng ebidensya ang mga nakaraang pagdinig subalit, mas marami pang malilikom na datos sa mga susunod pang pagdinig.

Panawagan naman niya na masuportahan ito ng mga mambabatas at ang taumbayan dahil magsisilbi itong aral para sa mga nahalal.

Sinabi ni Palatino, kinakailangan nila ng higit 100 pirma upang mapabilis sa senado ang pag-impeach sa bise presidente.