Speculative pakinggan ang laman ng impeachment complaint na ifinile laban kay Pangulong Marcos Jr.
Ayon kay Atty. Francis Dominick Abril Legal & Political Consultant sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan aniya ay mas nakatuon umano ang pansin ng publiko at ng ilang sektor sa Bise Presidente, kaya’t ikinagulat niya ang agarang paghahain ng reklamo laban sa Pangulo.
Aniya, nananatiling malakas ang political capital ni Pangulong Marcos Jr. at patuloy itong tinatamasa ang tiwala ng House of Representatives at ng Senado.
Binanggit din ni Abril na ang isa sa mga naghain ng reklamo ay kapwa abogado at may ipinapakitang sentimyento laban sa administrasyon, subalit iginiit niyang nararapat pa ring sundin ang tamang proseso at idaan ito sa Kongreso kung ito’y kikilalanin.
Tinalakay rin ng legal expert ang ilang paratang sa reklamo, kabilang ang umano’y “pagdukot” kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang pagsuko nito sa International Criminal Court (ICC).
Para kay Abril, mahina at debatable ang naturang argumento dahil boluntaryong isinuko ang dating Pangulo.
Dagdag pa niya, kulang umano sa ebidensiya ang paratang na gumagamit ng ilegal na droga ang Pangulo at hindi rin maaaring gamiting ebidensiya ang mga pahayag ni Senadora Imee Marcos.
Bukod dito ay pinuna rin niya ang alegasyong binuo lamang ang ICC upang pagtakpan ang mga gawain ng kapamilya umano ng Pangulo, na ayon sa kanya ay speculative, batay lamang sa mga hinuha at walang sapat na patunay.
Sa kabuuan, iginiit ni Abril na ang usapin ng impeachment ay mas nagiging political process kaysa legal, kung saan umiiral ang palakasan at paramihan ng kakampi mula sa maghahain ng impeachment hanggang sa lilitis sa Senado.
Aniya, duda siyang makakamit ang kinakailangang 2/3 na boto sa Kamara upang umusad ang reklamo, lalo’t marami pa umanong kaalyado at tagasuporta ang Pangulo.
Binigyang-diin din niya na kung mauuna ang ganitong uri ng taktika, maaaring maging balakid ito sa pamamahala ng Pangulo sa natitirang dalawang taon ng kanyang termino.
Aniya, ang magiging unang maimpeach ay maaaring magsilbing make-or-break sa susunod na yugto ng pulitika, lalo na’t marami na ang nagbabalak tumakbo sa pagkapangulo at bise pagkapangulo sa 2028.
Dagdag pa ni Abril, patuloy na nagbabago ang political landscape at may mga indikasyong may mga mambabatas na bumabaliktad at muling kumakampi sa Pangulo, depende sa takbo ng panahon at interes ng kani-kanilang kampo kung sa hanay ba ng mga Duterte o Marcos.
Nanawagan naman ito sa publiko na manatiling mapanuri at kritikal, at iginiit na nararapat lamang na igiit ng mamamayan ang mabuting pamamahala at pananagutan mula sa mga nasa kapangyarihan.










