Dagupan City – Inaasahan na muling iinit ang usapin ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso ngayong Hulyo, matapos ang desisyong iremand ng Senado ang kaso pabalik sa House of Representatives para sa karagdagang sertipikasyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera – constitutional lawyer, malinaw sa Saligang Batas na ang Senado lamang ang may kapangyarihang gumawa ng impeachment rules at magdesisyon kung itutuloy ang kaso.

Kung titingnan kasi aniya, nasa kanila ang boto, kaya maaari nilang piliing i-dismiss ang kaso kahit walang trial at walang makakapigil kung ayaw nilang litisin ang akusado.

--Ads--

Dagdag pa niya, kahit pa mapawalang-sala o mahatulan si Duterte, hindi maikakaila na may implikasyon sa pulitika ang buong proseso.

Inihayag din niyang kaya niremand ang kaso ay upang kumpirmahin na isang reklamo lamang ang maaaring isampa kada taon, batay sa konstitusyon.

Ngunit nauna nang nilinaw ni Cera na hindi na maaaring i-dismiss ng Senado ang reklamo batay lamang sa teknikalidad sa 20th Congress.

At sa katunayan ay inaasahan na tatalakayin pa ang mga impeachment rules sa unang mga linggo ng sesyon at posibleng masimulan ang pre-trial sa huling bahagi ng Hulyo.

Sa kabila nito, iisa aniya ang malinaw at ito ay ang pasya ng Senado kung itutuloy ba ang impeachment trial, o tuluyan na itong ididismiss.