Dagupan City – Ipinaliwanag ng Political Analyst ang impeachment case ni Vice President Sara Duterte na dapat ay pairalan ang Rules of impeachment sa senado.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst, sinabi nito na may dalawang posibleng mangyari kapag sinimulan na ng Senado ang impeachment proceeding.

Una ay ang Motion to Dismiss, kung saan ay maaaring maghain ang kampo ng bise presidente ng mosyon upang ipabasura ang kaso.

--Ads--

At ang pangalawa naman ay ang pagbibigay ng panahon sa pagsagot, ngangahulugan na kung hindi agad ibabasura, bibigyan si VP Sara ng hanggang sampung araw upang magsumite ng pormal na sagot sa reklamong impeachment.

Kapag natanggap ito, susunod na ang pre-trial kung saan ilalatag ang mga isyung pagtatalunan sa pormal na paglilitis.

Kaugnay nito, ikinadismaya naman ni Yusingco ang tila walang koordinasyon sa pagitan ng mga spokesperson mula sa House of Representatives, mga prosekutor, at sa hanay ng impeachment court.

Dahil sa halip na malinaw at mahinahong paliwanag, nauuwi aniya ito sa bangayan at personalan na hindi nakakatulong sa pag-unawa ng publiko.

Muli namang binigyang diin ni Yusingco, na malinaw ang mandato ng Article XI, Sections 3 at 4 ng 1987 Constitution na kailangang magsagawa ng impeachment trial.

Ang anumang hakbang na direktang mag-dismiss sa reklamo nang hindi idinadaan sa trial ay maituturing na paglabag sa Saligang Batas.

Iginiit din ni Yusingco ang pagkakaiba ng imbestigasyon ng Ombudsman sa impeachment proceedings.

Aniya, ang Ombudsman probe ay bahagi lamang ng preliminary criminal investigation at hindi ito kapalit ng impeachment trial.

Ang impeachment ay isang natatanging proseso ng pananagutan sa ilalim ng batas. Hindi ito kasong kriminal, sibil, o administratibo. Ang layunin nito ay tukuyin kung may sapat na dahilan para alisin sa puwesto ang isang mataas na opisyal ng pamahalaan.