Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa pagbagsak ng eroplano ng Air India na ikinasawi ng 260 katao ayon sa pahayag ng Aircraft Accident Investigation Bureau (AAIB) ng India sa unang anibersaryo ng trahedya.

Ayon sa pahayag, may malaking progreso na sa imbestigasyon, partikular sa pagsusuri at pag-aanalisa ng mga sistema ng eroplano, datos mula sa flight recorder, mga bahagi na may kaugnayan sa makina, mga talaan ng maintenance, at mga rekord ng operasyon.

Gayunman, hindi nito tinukoy kung kailan matatapos ang imbestigasyon.

--Ads--

Ang eksaktong sanhi ng pagbagsak ng Boeing 787 Dreamliner ilang sandali matapos itong lumipad mula Ahmedabad patungong London noong Hunyo 12, 2025, ay naging paksa ng malawakang espekulasyon.

Bumagsak ang eroplano humigit-kumulang 6 na kilometro (3.7 milya) mula sa paliparan at sumalpok sa isang gusaling ginagamit bilang tirahan ng mga doktor sa Byramjee Jeejeebhoy Medical College and Civil Hospital, na nagdulot ng malakas na pagsabog.

Labinsiyam na katao ang nasawi sa lupa, habang 241 naman ang namatay sa mga sakay ng eroplano. Sa mga nasawing pasahero at tripulante, 169 ay mga mamamayan ng India at 53 ay mga Briton.

Iisa lamang ang nakaligtas—si Viswashkumar Ramesh mula sa Leicester.

Kaunti lamang ang idinagdag na detalye sa update na inilabas nitong Biyernes. Sa halip, sinabi lamang na nagsagawa ang pangkat ng malawak at masusing pagsusuri sa lahat ng kaugnay na teknikal, operasyonal, organisasyonal, at human facros na may kaugnayan sa aksidente.