Inaasahang mapapabilis ang imbestigasyon sa mga personalidad na sangkot sa umano’y maanomalyang flood control projects sa bansa.

Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional lawyer, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, posibleng sa buwan ng Nobyembre o Disyembre ay makilala na kung sinu-sino ang mga isasailalim sa prosecution kaugnay ng kontrobersyal na proyekto.

Aniya, mataas ang inaasahan ng publiko na may makikitang konkretong resulta sa isinasagawang imbestigasyon.

--Ads--

Dahil dito, inaasahan umanong magsusumikap ang Office of the Ombudsman upang agad makapaglabas ng resolution.

Aniya, ang ICI ay nakakatulong din pero hindi rin dapat maliitin ang role nila sa imbestigasyon kahit wala silang contempt power at walang prosecutorial power.

Kulang sa mga tao ang ICI kumpara sa Office of the ombudsman na may napakaraming fiscal at maraming empleyado na tumutulong sa mga prosecutors sa pagiimbvestiga sa mga maanomalyang flood control project.

Samantala, ang DPWH ay nagsagawa rin ng imbestigasyon sa mga flood control at nagtanggal din ng mga empleyado

Dagdag pa ni Cera, malamang ay may mga personalidad nang nakatanggap ng subpoena upang tumugon sa mga reklamong isinampa laban sa kanila sa loob ng sampung (10) araw.

Inaasahan namang sa loob ng animnapung (60) araw ay mareresolba na ng Ombudsman ang mga kasong ito.

Kailangang agad na masampahan ng kaso sa Sandiganbayan ang mga mapatutunayang sangkot upang mailabas ang warrant of arrest laban sa kanila.

Binigyang-diin ng abogado na mahalaga ang agarang pag-aresto sa mga akusado upang umusad ang criminal prosecution, lalo na laban sa mga tinaguriang “malalaking isda.”

Paalala pa niya, walang mangyayari kung tatakas o magtatago ang mga sangkot sa ibang bansa. Hindi rin aniya maaaring isagawa ang absentee trial, kaya kailangang personal na humarap sa korte ang mga akusado kasama ang kanilang abogado.