Dagupan City – Nagkaroon ng robbery hold-up sa bayan ng Pozorrubio kung saan nagkaroon ng engkwentro ang kapulisan at mga kawatan.

Nangyari ito sa Caballero St. barangay Poblacion District 1 nang looban ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang isang Pawnshop upang magnakaw ng mga alahas.

Ayon kay Pcol. Rollyfer Capoquian ang Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office na nagkakaroon na ng development sa nasabing kaso kung saan mayroon na silang nakikitang persons of interest.

--Ads--

Batay aniya sa mga nakakita sa insidente at imbestigasyon ay nasa 4 na indibidwal ang mga suspek na tumangay ng nasa mahigit 100 libong pisong halaga ng mga alahas.

Nagkaroon aniya ng palitan ng putok nang naalarma ang mga kawatan sa pagresponde ng kapulisan nang mag-ulat ang guwardiya ng nasabing establisyemento sa himpilan ng Pozorrubio Police Station.

Wala namang nasaktan sa mga sibilyan sa nasabing putukan ngunit nakatakbo ang mga suspek.

Hindi na naabutan ng kapulisan ang mga ito ngunit natagpuan ang dalawang sasakyang kanilang ginamit sa isang bakanteng lugar na pinaghihinalaang nakaw at napansin naman ang bakas ng dugo dito kung saan hinihinalang natamaan ang isa sa mga suspek.

Samantala, nagpapatuloy parin ang kanilang pagmamanman sa mga suspek para maverify upang mapanagot ang mga ito sa kanilang ginawang pagnanakaw.