Magkakaroon ng epekto sa imahe ng Kamara ang patuloy na pagkabigo ng kanilang hanay na mapauwi sa bansang Pilipinas si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.
Ito ang naging pahayag ng political analyst na si Froilan Calilung kung saan idiniin nito na ang naturang sitwasyon ay magkakaroon ng repleksyon na ang Kamara ay walang kakayahan na madisiplina ang kanilang miyembro.
Pagsasaad nito na dapat ay may maipatupad na mga panuntunan o makapagpataw ng ilang mga parusa sa naturang opisyal upang maipakita na hindi “malambot” ang kanilang liderato.
Dagdag pa nito na dapat may makita ang ilan sa mga existing house rules na siyang kanilang gagamitin upang mapauwi na si Teves nang maipakita sa taumbayan na walang pinalalagpas o pinagtatakpan ang Kamara.
Idiniin din ni Calilung na sa kasalukuyan ay tanging ang pagsasampa lamang ng kaso laban kay Teves ang may malaking hakbangin upang ito ay tuluyan nang mapauwi sa Pilipinas lalo na’t sa ganitong paraan ay mismong ang korte na ang magrerequire sa opisyal na dumalo ng pisikal para sa pagdinig ng kaniyang haharaping kaso.