Dagupan City – Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang resulta ng 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS), na nagpapakita ng 64.3% functional literacy rate sa Ilocos Region para sa mga edad 10 hanggang 64.
Nangangahulugan ito na anim sa bawat sampung residente sa rehiyon ang may kakayahang bumasa, sumulat, mag-compute, at umunawa ng impormasyon.
Nangunguna ang La Union sa rehiyon na may 71.5% functional literacy rate habang ang Pangasinan ang may pinakamababa sa 62.3%.
Sa basic literacy naman, pinakamataas ang Ilocos Sur ngunit ang Pangasinan pa rin ang may pinakamababa.
Tumutukoy ang basic literacy sa kakayahang bumasa, sumulat, at magsagawa ng simpleng operasyon sa matematika.
Samantala, ang isinagawang Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS) ay naglalayong matukoy ang bilang ng mga literate at functional literate sa populasyon na may edad lima pataas at 10-64 taong gulang, ayon sa pagkakasunod-sunod, kasama na ang kanilang katayuan sa sosyo-ekonomiko, edukasyon, at paggamit ng mass media.
Gumamit ang survey ng bagong operational definition at methodology ayon sa PSA Board Resolution No. 13, Series of 2024.
Sa kabuuan, ang Ilocos Region ay may 89.6% basic literacy rate, kung saan nangunguna ang Ilocos Sur (93.4%), sinusundan ng Ilocos Norte (89.7%).
Ang functional literacy rate ng rehiyon ay 64.3%, pinakamataas sa La Union (71.5%), sinusundan ng Ilocos Sur at Ilocos Norte.
Nanawagan ang PSA sa mga lokal na pamahalaan at sa sektor ng edukasyon na agad na tugunan ang mababang literacy rate sa Pangasinan at sa buong Rehiyon I upang mapabuti pa ito.
Kailangan ang mas malawak na programa upang mapataas ang literacy rate at mapaunlad ang edukasyon sa rehiyon 1.