Kusang sumuko sa mga otoridad ang may-ari ng isang bahay kung saan ginaganap ang illegal online cockfighting sa Sitio Casantiagoan, sa barangay Guiset Sur, sa bayan ng San Manuel.

Ito ay matapos maaktuhan ng hanay ng San Manuel PNP, Pangasinan Intelligence Division at 2nd Pangasinan Provincial Mobile Force Company (PPMFC) sa bahay ng naturang indibidwal ang pagsasagawa online na ilegal na sugal sa naturang lugar.

Sa bahagi ng naging pahayag kay Police Major Benjamin Zarate, hepe ng San Manuel PNP, kaniyang ibinahagi na matapos ang naganap nilang operasyon ay nagboluntaryong sumuko si Salvador Balberan Sr. at kusang pumunta sa kanilang tanggapan dahil isa umano ito sa nagplano sa naturang illegal online gambling.

--Ads--

Paglalahad pa ng naturang hepe, ay pinabukas pa ng naturang may-ari ng bahay ang selda at boluntaryong pumasok sa loob.

Naisampa na rin ang kaso dahil sa paglabag ng Presidential Decree (PD) 1602 sa 10 katao na naaktuhan sa naturang insidente kahapon ngunit pansamantalanng nakalaya matapos nagpiyansa ng tig-5,000 ang mga ito.

Kaugnay nito, nagpadala ng karagdagang pwersa sa hanay ng kapulisan sa bayan ng San Manuel ang Provincial Mobile Force Company (PMFC) at PNP Region 1 Office matapos pagbantaan ang mismong hepe ng San Manuel PNP dahil sa nangyaring tension sa pagitan ng kapulisan at pamilya ng sumukong may-ari ng bahay hinggil sa illegal online cockfighting.

Ayon kay Zarate, matapos niyang matanggap ang naturang banta ay agad niya itong idinulog sa kaniyang mga nakatataas na opisyal upang maresolba ang naturang insidente.

Aniya, pagkaraang malaman ito ng tanggapan ng Pangasinan PNP ay agad nilang binuo ang dalawang grupo mula sa PMFC upang magkaroon ng karagdagang manpower sa kanilang stasyon.

Nagpadala rin ang PNP regional office ng 2 abogado upang mapag-usapan sa legal na paraan ang naturang pangyayari.

Nilinaw rin ng naturang opisyal na hindi galing sa kanilang municipal official ang naturang pagbabanata at aniya ay nakapag-usap naman na sila nang maayos.

Sa ngayon ay umaasa si Zarate na maayos ang kunting ‘di pagkakaunawaan dahil maganda naman umano ang samahan ng kapulisan at LGU dahil sa pagsuporta nito sa kanilang mga inilulunsad na programa.