DAGUPAN CITY- Kinondena ni Roberto Ballon, Chairperon ng Katipunan ng mga Artisanong Mangingisda sa Pilipinas, ang illegal na aktibidad ng mga Tsinong mangingisda sa Ayungin Shoal.
Kamakailan lamang nang mahuli ng mga awtoridad ng Pilipinas ang mga ito at may cyanide sa kanilang bangka.
Aniya, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, matindi ang epekto nito sa pangingisda at kalikasan dahil hindi lamang isda ang namamatay kundi ang mga coral reefs na pinangingitlugan ng mga ito.
Illegal man ito kung ituring subalit hindi pa ito nawawala ang mga gumagawa nito.
Kaya kanilang mungkahi sa awtoridad na paigtingin pa ang pagbabantay at pagpapatupad sa batas upang masawata ang mga illegal na aktibidad sa pangingisda.
Gayunpaman, nakisimpatya si Ballon na hindi buong natutugunan ang pagbabantay ng Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatan ng bansa dahil sa kakulangan sa suporta at kagamitan.
Binigyan halaga naman ni Ballon ang naging pagkakataon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 47th ASEAN Summit upang ipagbigay alam sa karatig bansa ang di pa nalalamang paghihirap ng bansa mula sa nararanasang agresyon mula China sa West Philippine Sea.
Aniya makakatulong ito para maalarma pa ang ibang lider na maliban sa marahas na kilo ay nagkakaroon na rin ng illegal fishing ang ilang mangingisda ng China.










