DAGUPAN CITY- Mariin kinokondena ni Fernando Hicap, chairperson ng Pamalakaya, ang umiiral na pagdukot sa mga kritiko at environmentalist ng bansa sa kasalukuyang administrasyon.
Sa kaniyang ekslusibong panayam sa Bombo Radyo Dagupan, personal aniyang kilala ang kamakailang 2 dinakip na environmental rights defenders sa lalawigan dahil nagkakaisa umano silang nilalabanan ang off-shore mining sa Lingayen gulf.
Aniya, kanilang mariing kinokondena ang maling patakaran ng administrasyong Marcos Jr. sa pagtugon sa lehitimo at makatarungan ipinaglalaban ng iba’t ibang sektor.
Matagal na umanong naredtag at pinangalanan ng law enforcers sina Axielle Tiong at Eco Dangla kaya niniwala si Hicap na ang estado ang dumakip sa mga ito.
Panawagan naman ng Pamalakaya ang pagpapalaya sa mga ito dahil ika-8 insidente na ito ng ilegal na pandadakip sa mga environmentalist sa central luzon.
Samantala, nakakabahala naman umano ang pagredtag dahil kapahamakan lamang ang dulot nito sa buhay ng isang indibidwal.
Dagdag pa ni Hicap, hindi makatarungan at hindi nakakaresolba sa nararanasang suliranin ang ilegal na pagdakip sa mga lehitimong lumalaban para sa kapakanan ng bansa.