Tinatayang nasa 8,000 illegal migrants mula sa Morocco ang tumawid sa hilagang bahagi ng Ceuta, na sakop ng bansang España.
Sa ulat ni Bombo Radyo Dagupan – International News Correspondent Eva Tinaza mula sa Madrid, Spain, nagpadala ang Spain ng mga sundalo sa main entry point ng Ceuta sa Tarajal na siyang border point sa pagitan ng nabanggit na bansa at ng Morocco.
Mula sa nasambit na bilang, nasa 1,500 umano ang mga menor de edad na posibleng lumangoy sa dagat patawid ng border fences o ‘di kaya ay nilakad umano nila ito sa kasagsagan ng low tide.
Ipinangako naman ni Spain Prime Minister Pedro Sánchez na ibabalik nito ang kaayusan sa naturang lugar.
Ayon sa España, halos nasa kalahati na ng Moroccan illegal migrants ang pinabalik sa kanilang bansa.
Matatandaang nagtungo si Sánchez sa Ceuta at Melilla upang harapin ang nasambit na krisis ngunit mas nagpatindi ito ng diplomatic tension laban sa Morocco.
Ang Ceuta at Melilla ang siyang malimit na tinatawid ng African migrants na sumusubok na makarating sa Europa.