Malaki ang posibilidad na ang mga drogang nakumpiska sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa mga bayan ng Labrador at Bugallon ay nagmula sa kilalang “Golden Triangle” o kaya’y direktang inangkat mula sa China.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty Benjamin Gaspi Director, PDEA Region I ito ay dahil may Chinese characters ang mga label ng mga nasamsam na kontrabando.

Aniya, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga ahensya upang matukoy kung anong ruta ang dinaanan ng iligal na droga, gayundin kung anong uri ng sasakyang ginamit para maipuslit ito sa mga coastal barangay ng Pangasinan.

--Ads--

Bilang tugon, pinaigting na ang pagbabantay sa mga seaport sa buong Northern Luzon, sa pangunguna ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), at Drug Enforcement Group.

Kaugnay nito, isinagawa kamakailan ang MOA (Memorandum of Agreement) signing sa pagitan ng mga ahensyang ito upang mas mapalakas ang kampanya kontra droga at higit pang higpitan ang seguridad sa mga daungan.

Isa rin sa mga pangunahing hakbang ay ang pagbibigay ng edukasyon sa mga residente sa coastal areas.

Tinuturuan sila ng mga epekto ng droga at kung paano ito makikilala, upang agad silang makapag-ulat kung sakaling makakita muli ng mga kahina-hinalang bagay sa kanilang lugar.

Sa ngayon, patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad upang mawakasan ang pagpasok ng iligal na droga sa rehiyon, habang hinihikayat din ang publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa mga kinauukulan.