BOMBO DAGUPAN – Nabiktima ng modus na pagbabayad ng pekeng pera ang ilang mga vendors sa Calasiao Public Market sa bayan ng Calasiao dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay Teddy Tuliao, Market Supervisor ng Calasiao Public Market, agad namang nahuli ang tatlong mga suspek pero bago nahuli ang mga ito ay nag-iikot na ang mga Market Martial sa kanilang palengke, dito ay napansin na nila ang mga suspek na bago sa kanilang paningin na may kakaibang kinikilos din.

Patuloy ang kanilang pag-iikot nang mga oras na iyon upang magbantay o mag monitor kaya pagkahuli ay dineretso sila sa Calasiao police station.

--Ads--

Paalala naman ni Tuliao sa mga vendors lalo na mga ambulant vendors dahil sila ang madalas na mabiktima sa ganitong insidente na suriin ang mga perang inaabot o ibinabayad sa kanila.

Samantala, ayon naman kay PCAPT. Anthony Doctolerto, Deputy COP, Calasiao PNP, ang mga tatlong suspek ay nahainan na ng kaso sa piskalya.

Sa modus ng mga suspek, pupunta umano sila sa palengke para bumili ng produkto sa mura o maliit na halaga lamang ngunit malaki ang halaga ng perang ipangbabayad nila gaya ng 1,000 piso na peke.

Nalaman na lamang ang gawain ng mga ito nang may isang tindero na peke ang perang ipinangbayad sa kanya at di umanoy dalawang beses na may bumili sa kanya na magkasunod na ang pera ay 1,000 piso.

Napansin niya ang dalawang pera ay may parehas na serial number at dito na siya naalarma.

Dalawa sa mga suspek ay taga Bulacan at ang isa naman ay taga NCR.

Sa ngayon ay inaalam ng mga otoridad kung may ganito ring insidente sa karatig bayan.