Nakakumpiska ang Bureau of Fire Protection Dagupan City ng ipinagbabawal na paputok sa ilang stall o pwesto ng mga nagbebenta ng paputok ilang araw bago ang pagsalubong ng bagong taon.
Ayon kay SFO2 Rovir Solar ng BFP Dagupan, sa kanilang araw araw na isinasagawang monitoring at pag iinspeksyon ay nadiskubre na mayroon paring nagbebenta ng illegal na mga klase ng paputok katulad na lamang ng “pop pop” kung saan nakakumpiska ng hindi bababa sa isang kahon nito na ibinibenta ng patago ng ilang vendors kahit na alam naman na ng mga ito na bawal ang pagbebenta ng nasabing bawal na paputok.
Bukod naman rito ay wala ng iba pang mga ipinagbabawal na paputok ang nahuling illegal na ibinibenta.
Isa rin umano sa mahigpit nilang tututukan lalo na bukas ay ang mga nagpupuslit na magbenta ng mga paputok sa mga bangketa at sidewalk kahit na wala namang kaukulang permit ang mga ito upang samantalahin lamang ang pagkakataon na makapagbenta sa kasagsagan ng pagdagsa ng mga mamimili dahil kadalasan ay halos mga bawal na paputok ang ibinibenta ng mga ito halimbawa na lamang ng piccolo, trianggulo, super lolo at watusi dahil lubos na mapanganib ang mga ito.
Samantala, dagdag pa ni Solar, ngayong taon ay walang mga nakatalagang community fireworks display area sa mga barangay sa siyudad kung saan pwede lamang magpaputok kumpara noong nakaraang taon.
Ilang uri rin ng paputok ang nakumpiska sa bayan ng Asingan matapos magsagawa ng inspeksyon sa mga firecracker vendors ang pinagsamang pwersa ng mga kasapi ng Regional Civil Security Unit 1 at Asingan PNP.
Ayon kay PMajor Resty Ventinilla, hepe ng Asingan PNP nahuling lumabag sa E.O. No. 28 (Regulation and Control of the Use of Firecrackers and other Pyrotechnic Device) ang isang vendor na kinilala bilang si Anna May Balangue, 43 anyos sa barangay Macalong ng naturang bayan
Nakumpiska naman ng mga kapulisan sa firecracker vendor ang (30) bundles ng kwitis, (44) na piraso ng whistle bomb at (7) packs ng five star
Ang ilan din umano sa mga ibinebenta nito ay unlabeled firecracker na ipinagbabawal dahil sakaling magkadepekto ito ay hindi alam kung sinong may ari o may gawa nito.