Pahirapan ngayon sa pamamasada ang ilang tricycle driver sa Dagupan City dahil sa matinding pagbaha sa ilang bahagi ng lungsod dulot ng high tide at tubig ulan.

Ayon kay Rodolfo Zabala, isang tricycle driver mula sa rutang Tapuac, kapansin-pansing bumaba ang kanilang kita dahil kakaunti ang mga pasaherong nais bumiyahe sa mga bahain at delikadong daanan.

Aniya, umaabot na sa lampas-tuhod ang baha sa ilang bahagi malapit sa overpass, habang patuloy naman ang pagtaas ng tubig sa iba pang lugar.

--Ads--

Sa kabila ng panganib, napipilitan pa rin ang ilang driver na bumiyahe upang may maiuwi para sa kanilang pamilya.

Bukod sa kakulangan ng mga pasahero, problema rin ng mga driver ang posibilidad na masira ang kanilang mga tricycle dahil sa pagbaha gaya na lamang sa kanya dahil nabutas ang kanyang gulong.

Samantala, sinabi ni Eric Omas, isang tricycle driver sa rutang Perez Boulevard, na limitado lamang ang kanilang biyahe dahil sa lalim ng tubig sa ilang kalsada.

Ayon kay Omas, sa ilang oras nito na pag-aantay ng pasahero hindi pa nakakasapat ang kanyang kita dahil sa panahon.

Dagdag pa niya, maaari ring lumaki ang gastos kapag napasukan ng tubig ang makina ng kanilang tricycle o tumirik.

Tinatayang maaaring umabot sa ₱1,000 ang gastusin para sa langis at pagpapagawa sa mekaniko.

Para kay Omas, mas mainam nang huwag ipilit ang pagbiyahe sa malalim na baha upang maiwasan ang mas malaking pinsala sa kanilang sasakyan.

Umaasa naman ang mga driver na titigil na ang malakas na ulan at mabilis na hupa ang baha upang muli silang makapaghanapbuhay nang normal.

Sa kabila ng panganib at maliit na kinikita, patuloy pa rin ang pagbiyahe ng ilang tricycle driver dahil para sa kanila, bawat pasada ay mahalaga upang may maiuwi para sa kanilang pamilya.