BOMBO DAGUPAN — Naghahanda na ang ilang transport group para sa isasagawang budget hearing kaugnay sa jeepney modernization program ng pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jaime Aguilar, Secretary General ng National Confederation of Transport Workers Union, idiniin nito na karapat-dapat lamang na mapagtuunan na ng panahon na mabigyan na ng kaukulang pondo ang modernization program.
Aniya na isa kasing problema sa kanilang sektor ang panibagong Department Order na nagsasaad na sa loob ng dalawang taon ay dapat nakabili na ng modernized unit ang mga jeepney driver at operator.
Taliwas naman ito sa kanilang plano na ipagpaliban ang pagkuha ng modernized unit hanggang sa hindi natutugunan ng gobyerno ang nasabing problema.
Dahil dito ani Aguilar ay hindi nasosolusyunan ang mga problema ng jeepney drivers at operators dahil nananatili ring walang kasagutan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa kanilang mga katanungan.
Dagdag pa nito na batid nilang iilang porsyento pa lamang ang nakakasunod sa kanilang kautusan kaya’t maraming bilang pa rin ng mga drayber ang hindi naaaprubahan ang kanilang loan sa banko at nabibitin ang mga kooperatiba na nakapag-aplay na ng kani-kanilang loan sa mga bangko.
Saad pa nito na pinangangambahan nilang dumating ito sa punto kung saan pipilitin sila ng Department of Transport na magpalit ng unit na isinalarawan naman nito bilang “hindi makatarungan” lalo na sa mga walang kooperatiba.