DAGUPAN CITY- ‎Nagsimula na ang pag-aani ng kamatis ng ilang mga magsasaka sa Barangay Casibong sa bayan ng San Jacinto.

Ayon kay Barangay Kagawad Sosimo Gonzales, na siya ring pangulo ng Casibong Farmers Association, maganda ang naging takbo ng pagtatanim kaya inaasahang magiging maayos ang ani ng mga tomato growers sa lugar.

‎Batay sa paunang resulta ng anihan, sapat ang kalidad at dami ng kamatis na inaasahang maibebenta sa pamilihan.

Dagdag ni Gonzales, mas magaan na ngayon ang sitwasyon ng mga magsasaka pagdating sa pagbebenta ng kanilang produkto dahil mayroon nang mga naglalabas ng kapital at direktang kumukuha ng ani mula sa barangay.

‎Malaki rin umano ang naitutulong ng pagtatanim ng kamatis bilang alternatibong pananim, lalo na sa mga panahong hindi pa panahon ng pagtatanim ng palay.

--Ads--

Sa ganitong paraan, hindi natetengga ang lupang sakahan at patuloy na may pinagkukunan ng kabuhayan ang mga magsasaka.

‎Patuloy namang umaasa ang mga magsasaka sa Barangay Casibong na mapananatili ang maayos na ani at patas na presyo ng kamatis sa mga susunod na linggo.

Patuloy din ang pagmamanman ng samahan at ng mga lokal na opisyal sa lagay ng produksyon at merkado upang matiyak ang kapakinabangan ng mga magsasaka at ng mga mamimili.